Posts Tagged ‘ambag sa digmang bayan

04
Jan
08

Buwan at Dilim

(Ilang Tala sa Karanasan ng Isang Baryo sa Pag-iral ng OBL II)

I.
Dito sa lugar kung saan malawak ang kapatagan at mababa ang kabundukan, bagsak ang agrikultural na produksyon nitong mga nakaraang buwan dahil sa pagkatuyo ng pananim sa tag-init at pagkasira nito sa pagdaan ng sunud-sunod na bagyo. Sa halip na bigyan ng gobyerno ng subsidyo sa produksyon ang mga magsasaka, nananawagan ito –lalo na sa mga kabataan -na sumali sa CAFGU.

Maraming pangako sa pagsali sa CAFGU. Ang sabi ng mga militar sa mga taga-lokal, magbibigay sila ng P1,800 at isang kaban ng bigas kada buwan sa bawat rekrut.

Hindi na bago sa mga taga-lokal ang operasyon ng militar. Pero simula nang ilunsad ang Oplan Bantay Laya II, mas nagbababad ang militar sa mga komunidad. Nagsasagawa na din sila ng mass recruitment para sa CAFGU.

Dahil paspasan ang pagrerekluta ng militar, malaking hamon sa BHB ang kagyat na magpaliwanag sa masa at hamigin sila na huwag magpasilaw sa pangako ng pagsali sa CAFGU. Matiyagang nagpunta sa mga bahay sa komunidad ang mga hukbo para magpaliwanag sa panibagong kampanya ng militar. Naglunsad din ang mga kasama ng mga pulong masa. Ang panawagan sa mga taga-lokal: Huwag talikuran ang uring pinagmulan. Ipagpatuloy ang laban para sa karapatan ng mga magsasaka.

Continue reading ‘Buwan at Dilim’

04
Jan
08

Maganda Pa Ang Bayan

Kung nais mong makita
ang tagong kagandahan
ng bayang sinta,
samahan mo ako
at suungin natin
ang masukal na gubat.

Hawiin ang mga damong ligaw
na nakaharang sa daan
at hayaang humapdi
ang sugat na kanilang iniwan.

Kung madulas ka’t maputikan,
abutin mo ang aking bisig
at sabay tayong bumangon sa pagkadapa.
Ang putik ay mahuhugasan din
sa pagtagaktak ng pawis.

Sa ating paglalakad,
mag-ingat sa paghakbang.
Piliing mabuti ang batong gagawing katuwang
dahil hindi lahat ay may taglay na katatagan.
Sila man ay umaasa din
sa lupang sinasandigan,
tulad ng mga punong sa atin ay pumapayong.

Huwag kang mainis sa panggugulat
ng mga dahon at sanga.
Kaibigan silang nagpapaalala
na sa paglalakbay na ito,
dapat ay mulat ang iyong mata.

Nakapapaso man ang init sa ating ulunan,
sasaluhin ng ilog ang pagod mong katawan.
Sundan natin ang landas
na kanyang pinagmulan
at tiyak na matatagpuan
ang di masasaid na bukal
ng buhay sa digma.

Masdan mo sa pagbubukang-liwayway
ang pagyakap ng mapupulang ulap
sa matatayog na kabundukan.
Damhin mo ang paghalik
ng hangin sa iyong pisngi,

dahil, sa wakas,
gising na ang araw sa silangan
at kasabay ng kanyang pagsikat
ang matamis na pagngiti
ng masang pinili mong pagsilbihan.

Ito ang walang kapantay na ganda
ng bayang minumutya.
gandang nasisilayan lamang
sa mga tagumpay ng pakikibaka.

01
Jan
08

Rebolusyonaryong Kooperatiba sa Baryo Dolyaw*

Isang Kwentong AgReb
Isinulat ni Kasamang Tet

Naalala niyo ba ang supertyphoon Harurot? Sa Baryo Dolyaw*, labis na nasalanta ang kanilang bahay at palayan ngunit hindi ang mapanlikhang rebolusyonaryong diwa ng mga organisadong masa roon.

Ang Repormistang Proyekto, Ginawang Rebolusyonaryo Sa pangunguna ng POC (Peasant Organizing Committee), nakapagkalap sila ng 25 kaban ng bigas mula sa calamity fund ng DSWD sa probinsya at ipinamahagi ito sa 83 pamilya ng barangay. Kung tutuusin, mahigit apat na salop** lamang ito kada pamilya. Sa loob ng dalawa o tatlong araw ay mauubos din. Kinakailangan, sa gayon, ng pangmatagalang programa upang matugunan ang matinding kakulangan ng bigas sa baryo. Matagal na itong problema ng mga magsasaka sa Baryo Dolyaw, hindi lamang pagkatapos ng Harurot. Kapag wala nang bigas sa baryo, mapipilitan silang bumiling bigas sa sentro ng munisipalidad. Mas mahal ang presyo rito bukod pa sa gastos para sa pamasahe. Mahigit kumulang 30 minutos pa ang lalakarin mula sa Baryo Dolyaw tungo sa kalsada.

Continue reading ‘Rebolusyonaryong Kooperatiba sa Baryo Dolyaw*’