Archive for the 'October-November 2007' Category

04
Jan
08

Krisis ng Rehimeng Arroyo, Sasabog

MATAPOS ANG PAMBOBOMBA SA PAMPUBLIKONG LUGAR NA GLORIETTA MALL,sinabi ng Malakanyang sa pangunguna ni National Security Adviser Norberto Gonzales na posibleng nagaganap ang pagatake ng mga terorista sa bansa. Nang lumaon, mapupwersa itong bawiin ang nasabing pahayag. Pero dahil sa tindi ng krisis na kinakaharap ng rehimeng Arroyo, malinaw na pinapakinabangan nito ang mga isyung makapaglilihis ng atensyon ng mamamayan.

Mga Eskandalong Sangkot ang Malakanyang

Nangangandarapa ang rehimeng Arroyo sa pagtatakip ng mga kasalanan nito sa sambayanan. Patuloy itong minumulto ng hindi nasasarhang eskandalong kinasasangkutan ng Unang Pamilya gaya ng Hello Garci, fertilizer scam, jueteng payola, Venable LLP, Macapagal Boulevard , Cyber Education at ZTE.

Continue reading ‘Krisis ng Rehimeng Arroyo, Sasabog’

01
Jan
08

Pataba at Kasilyas

Para sa mga Tsino, kayamanan ang basura. Hindi pambihira ang makakita ng tao sa gilid ng daan na may hawak na tong na gawa sa bamboo at namumulot ng dumi ng kanyang alagang hayop.

Ang dumi ay ginagamit bilang pataba sa produksyon ng mga magsasasaka. Gumagamit din ng kemikal na pataba ang mga Tsino, pero hindi sila umaasa sa kemikal na pataba na hindi nila kayang likhain o nangangailangan pa ng malaking salapi. Hinalili nila ang paggamit nito sa mga organikong pataba.

Simula ng rebolusyong pangkultura sa Tsina, pinag-aralan ng mga mamamayan ang paggawa ng kemikal na pataba. Hindi ito gumagamit ng petroleum o natural gas na may prosesong mapanira sa kalikasan. Ngunit hindi sumapat ang nalilikhang pataba para sa napakaraming lupaing agrikultural ng Tsina.

Kaya naman pati ang dumi ng tao ay ginamit ng mga Tsino bilang pataba.

Simula rin ng rebolusyong pangkultura sa Tsina, napalitan ang mga pribadong kasilyas ng mga pampublikong palikuran na nagiipon ng duming gagamiting pataba sa produksyon.

Isang araw sa isang pangkomunidad na kasilyas, isang kasama ang nakakunot-noo.

Habang siya’y nakaupo, dumating ang isang kaibigan. Ang sabi ng huli, “ Aha, Kasamang Li. Andito ka pala’t seryosong nagbibigay ng ‘yung regular na kontribusyon sa agrikultura.”

01
Jan
08

Red Alert para sa Kalikasan

May taning ang pagsalba sa kalikasan.

Dahil sa proseso ng pagkasira, maraming tao ang nalalagay sa peligro. Ang pangangalaga sa kalikasan ay pangangalaga sa mamamayan. Ang pagkasira ng lupa ay may dalang panganib sa milyun-milyong magsasaka. Dahil pangunahing nakasalalay ang bansa sa agrikultural na produksyon, malaking usapin ang pangangalaga ng kalikasang kaugnay ng mga agrikultural na lupain.

Continue reading ‘Red Alert para sa Kalikasan’

01
Jan
08

Rebolusyonaryong Kooperatiba sa Baryo Dolyaw*

Isang Kwentong AgReb
Isinulat ni Kasamang Tet

Naalala niyo ba ang supertyphoon Harurot? Sa Baryo Dolyaw*, labis na nasalanta ang kanilang bahay at palayan ngunit hindi ang mapanlikhang rebolusyonaryong diwa ng mga organisadong masa roon.

Ang Repormistang Proyekto, Ginawang Rebolusyonaryo Sa pangunguna ng POC (Peasant Organizing Committee), nakapagkalap sila ng 25 kaban ng bigas mula sa calamity fund ng DSWD sa probinsya at ipinamahagi ito sa 83 pamilya ng barangay. Kung tutuusin, mahigit apat na salop** lamang ito kada pamilya. Sa loob ng dalawa o tatlong araw ay mauubos din. Kinakailangan, sa gayon, ng pangmatagalang programa upang matugunan ang matinding kakulangan ng bigas sa baryo. Matagal na itong problema ng mga magsasaka sa Baryo Dolyaw, hindi lamang pagkatapos ng Harurot. Kapag wala nang bigas sa baryo, mapipilitan silang bumiling bigas sa sentro ng munisipalidad. Mas mahal ang presyo rito bukod pa sa gastos para sa pamasahe. Mahigit kumulang 30 minutos pa ang lalakarin mula sa Baryo Dolyaw tungo sa kalsada.

Continue reading ‘Rebolusyonaryong Kooperatiba sa Baryo Dolyaw*’

01
Jan
08

Usaping Reporma: Pagsusuri sa Repormang Isinusulong ng Gobyerno at Kontra-Rebolusyunaryong Taksil

Todo-bigay ang pangangampanya ng gobyernong Arroyo at ng mga kontrarebolusyonaryong taksil sa pagsusulong ng ekstensyon ng panahon at kapangyarihan ng CARP. Bakit nagbubuhos ng malaking salapi ang gobyerno para sa kampanyang ito? Paano titimbangin ang mga benepisyo sa pasakit na idinulot ng nasabing programa? May dalawang nagtutunggaling panig sa usapin ng reporma sa lupa: 1) ang panig ng masang magsasaka at rebolusyunaryong kilusan at 2) ang gobyernong Arroyo at mga repormistang grupong pinamumunuan ng mga kontrarebolusyunaryong taksil. Parehong panig ang nananawagan ng reporma sa lupa pero malaki ang pagkakaiba nila sa nilalaman at pagpapatupad ng programa.

Continue reading ‘Usaping Reporma: Pagsusuri sa Repormang Isinusulong ng Gobyerno at Kontra-Rebolusyunaryong Taksil’

01
Jan
08

ZTE at Pampulitikang Panunupil

Dalawa sa pinakamatingkad na katangian ng rehimeng US-Marcos ang garapal na pangungulimbat sa kabang-bayan at ang pagpapairal ng lantarang pasismo. Tatlumpu’t limang taon ang nakakaraan nang ipataw ng rehimeng US-Marcos ang Batas Militar. Ngayon, patuloy na nagaganap ang matinding pandarambong ng estado at pagpapatupad ng malawakang programa ng karahasan. Subalit, mas masahol ang kalagayan ngayon dahil nagmamantine ang gobyerno ng bihis na demokrasya habang binabawi ang ilang mga tagumpay sa demokratikong karapatan na nakamit ng mamamayan.

Continue reading ‘ZTE at Pampulitikang Panunupil’

01
Jan
08

Kasamang Mika

Parangal na Liham Mula sa Kanayunan
Alfredo Cesar Command
BHB-Ilocos Sur

Sa mga mahal na magulang, kamag-anak at kaibigan ni kasamang Mika, taas kamaong pagpupugay!

Ipinababatid ng Partido Komunista ng Pilipinas, ng buong Alfredo Cesar Command NPA-Ilocos Sur at ng libulibong masa dito sa Ilocos ang taus-pusong pakikidalamhati sa maagang pagbuwis ng buhay ni Kasamang Mika. Alam naming hindi sasapat ang mga salita upang ilarawan at ibuhos ang bigat na nararamdaman nating lahat sa kanyang paglisan. Dama namin ang pighati na idudulot sa inyo ng kanyang pagkamatay dahil kayo’y nawalan ng isang mabuting anak, magiliw at maalalahanin na kaibigan, masayang kabarkada at mapagmahal na kamag-anak. Sa bahagi namin na nakapiling ni Ka Mika sa loob ng nakaraang anim na taon, hindi masusukat ng mga pangungusap ang aming pangungulila at paghihinagpis sa kanyang pagkawala. Ang Partido, ang Hukbong Bayan at ang masa ay nawalan ng isang mahusay na kadre, magiting na mandirigma at tapat na kasama.

Continue reading ‘Kasamang Mika’