Ilang Paraan para Mabasa ang mga Propaganda ng KM

Kalayaan
Opisyal na Publikasyon ng KM

” Mabuhay ang mga Anak ng Bayan!” Ito ang pahayag ng mga Katipunero na nanawagan ng paglaban sa mga Kastila. Para pagkaisahin ang mamamayan na lumaban, binuo ang pahayagang Kalayaan. Karamihan sa mga nag-ambag sa pahayagan ay mga kabataan. Kapos ang tala kung ipinagpatuloy ang paggamit ng pangalan sa mga sumunod na henerasyon ng kabataan matapos ang madugong labanan sa pagitan ng mga Katipunero at Kastila. Pero pagdating ng dekada ‘70, sa militanteng tradisyon ng mga Anak ng Bayan, muling binuhay ang pahayagang Kalayaan sa pagsisikap ng Kabataang Makabayan na isulong ang kilusang propaganda. Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang paglalathala ng publikasyon sa pangunguna ng Pambansang Kalihiman ng Kabataang Makabayan, sa pagtataguyod ng mga kasapi ng KM.

Kasalukyang nakabungkos ang mga likhang ambag (sulatin at biswal) ng Kalayaan sa mga sumusunod: pagsanib sa batayang masa, pagsusulong sa kilusang masa, ambag sa digmang bayan, parangal sa mga kabataang martir, at mga aral sa pagbubuo ng organisasyon ng KM. Sinisikap din ang maglagay ng mga artikulong pumapaksa sa mahalagang papel ng kabataang kababaihan sa pagbubuo ng seksyong “pakikibaka para sa pagpapalaya sa kababaihan.” Bago rin ang seksyong “Halaw.” Naglalaman ito ng mga piling tala sa kasaysayan ng pakikipaglaban ng mamamayan sa Pilipinas at ibang bansa lalo na sa Rusya at Tsina.

Ang mga seksyong ito ay paraan para matiyak na kumprehensibo ang propagandang tinatalakay sa publikasyon. Gayunpaman, bukas ang pambansang kalihiman sa mga sulatin at biswal na ambag ng mga kasapi sa anumang porma-sanaysay,maikling kwento, liham, interbyu, tula , at larawan.

Ipinamamahagi ang Kalayaan sa mga balangay ng KM sa kanayunan at lungsod.

Website at Blog
Layunin ng website at blog ng Kabataang Makabayan na abutin ang mas maraming kabataan. Batid ng kalihiman ang limitasyon ng internet na propaganda dahil sa kakulangan ng access lalo na sa kanayunan. Gayunpaman, sa pagtutulungan ng mga kasaping may paraan gumamit ng internet, inaasahan na maipapalaganap ang mga nilalaman nito.

Nilalaman ng website ang pinakabago at dating isyu ng Kalayaan. Matatagpuan din ang mga opisyal na pahayag ng KM – ang kagyat na tugon ng KM sa mahahalagang isyu- sa website.

Pinakabagong dagdag sa propaganda ang blog. Naglalaman ito ng mga multi-midyang propaganda : sulatin, pahayag na audio, bidyo at awit. Bukas din ito sa mga likhang ginawa ng mga indibidwal na ipapasa ng kinabibilangang balangay ng KM. Maaaring halawin ang mga regular na seksyon ng Kalayaan sa pagpapasa ng mga likha. At tulad nito, malawak ang paksang pwedeng lamanin ng mga sulatin. Inaasahang magiging mas mabilis at mas marami ang pag-aambag sa pagtatayo ng nasabing blog.


0 Responses to “mga propaganda ng km”



  1. No Comments Yet

Leave a Reply