Partido Komunista ng Pilipinas
Disyembre 9, 2007
Pinakamataaas na parangal ang iginagawad ng Partido Komunista ng Pilipinas at buong rebolusyonaryong kilusan kay Kasamang Monico Atienza (“Ka Togs”).
Pumanaw si Ka Togs noong Disyembre 5 sa edad na 60 matapos ang halos isang taong pakikibaka sa malubhang sakit. Mahigit apat na dekada siyang tuluy-tuloy na naglingkod bilang matapat, masigasig at mahusay na rebolusyonaryo at komunista, at nakapag-ambag nang malaki sa pagsulong ng proletaryong rebolusyong Pilipino.
Si Ka Togs ay kabilang sa mga lumahok sa muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 26, 1968 sa patnubay ng Marxismo- Leninismo-Kaisipang Mao Zedong. Inihalal siya bilang isa sa mga kagawad ng unang Komite Sentral ng Partido. Bago ito, isa si Ka Togs sa
mga nanguna at puspusang nagtaguyod sa pagsusulong ng Unang Kilusang Pagwawasto sa loob at labas ng PKP mula 1967. Mahigpit din niyang sinuportahan ang Ikalawang Kilusang Pagwawasto na inilunsad ng PKP mula 1992.
Estudyante pa lamang sa high school ay namulat na si Ka Togs sa lalim ng mga suliraning panlipunan at sa pangangailangan ng proletaryong rebolusyon para sa pundamental na mga pagbabago sa sistemang panlipunan sa Pilipinas.
Sa Boys High School ng Far Eastern University (FEU), kung saan siya ang valedictorian, naging kasapi siya ng Kabataang Makabayan at nagsilbing pinuno ng student government sa eskwelahan. Isa si Ka Togs sa mga nakasama sa delegasyon ng mga estudyanteng bumisita sa People’s Republic of China para magmasid at pag-aralan ang mga karanasan at natamong pag-unlad sa pagsusulong doon ng kanilang pambansa-demokratik o at sosyalistang rebolusyon.
Nang magkolehiyo siya sa University of the Philippines noong 1965, si Ka Togs ay naging kasapi ng Student Cultural Association of UP (SCAUP), isang samahang nakatuon sa malalim na pag-aaral sa kalagayan ng bansa at sa Marxismo-Leninismo, at sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagmomobilisa sa hanay ng mga kapwa estudyante. Malao’y naging pinuno siya nito.
Masipag siya sa pagbabasa at pag-aaral ng kasaysayan, mga sulatin sa Marxismo-Leninismo- Kaisipang Mao Zedong, at mga rebolusyonaryong akda tungkol sa Pilipinas, Tsina, Byetnam at iba pang bansa at sa pandaigdigang kilusan ng proletaryado at mamamayan.
Nakabilang siya sa unang grupo ng Partido sa Kabataang Makabayan (KM) at nagsilbing Pangkalahatang- Kalihim ng samahan mula 1968 hanggang 1970. Pinangunahan niya ang mabilis na pagpapalawak ng mga balangay nito sa mga paaralan at mga komunidad sa Metro Manila at sa buong bansa. Ang pagsisikap nina Ka Togs, kasama ng libu-libong mga aktibista ng KM at iba pang naglitawang mga pambansa-demokratik ong organisasyong masa sa loob at labas ng paaralan, ay nagsilbing paghahanda sa pagbulwak ng Sigwa ng Unang Kwarto noong 1970 at sa pagpapalawak ng rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa. Itinalaga siyang pinuno ng Pambansang Kagawaran sa Organisasyon ng PKP mula unang nabuo buuin ito noong 1968 hanggang nadakip madakip siya noong 1974.
Siya ang namahala sa pagpapalakas ng organisasyon at pwersang kadre ng Partido. Pinangunahan niya ang pagtatayo at pagpapalaganap ng mga paaralan para sa pambansang demokrasya na umani ng ilampung libong aktibistang produkto ng sigwa. Ang mga pag-aaral at pagsasanay na idinaos sa mga paaralang ito ay nagkonsolida sa mga napalitaw na aktibista, nagtaas ng kanilang rebolusyonaryong kamalayan at nagsilbing bukal ng mga kadre para
sa ligal na demokratikong kilusan at armadong pakikibaka.
Gumampan siya ng susing papel sa malawak na pagpupundar ng mga batayang organisasyon ng Partido, sa mabilis na pagpaparami ng kasapian ng Partido at sa paghikayat at pagpapadala ng mga aktibistang masa mula sa hanay ng mga manggagawa at kabataan tungo sa kanayunan upang kumilos sa hanay ng masang magsasaka at magsilbi sa Bagong Hukbong Bayan.
Sa gabay ni Ka Togs, ang pinagsimulang ilang daang kasapian ng Partido noong 1970 ay mabilis na lumaki tungong 4,000 noong 1974. Daan-daang mga binhing kadre ng Partido ang sinanay at pinaunlad sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Si Ka Togs ay naging mahusay at epektibong pinuno ng Partido. Matatag ang panininidigan sa uri at sa rebolusyon. Masipag siyang mag-aral sa rebolusyonaryong teorya at praktika. Sinhigpit ng paghawak niya sa mga rebolusyonaryong prinsipyo at simulain ang pagsasapraktika niya ng mga ito sa sariling buhay. Puspusan siyang makibaka, simple sa pamumuhay, walang anumang luho at pagkamakasarili at inilalaan ang lahat ng kakayahan para sa rebolusyon. Malakas ang determinasyon, agap, sipag, inisyatiba at sinop sa pagpapatupad ng mga tungkulin. Di siya nalilihis sa nakikitang layunin at nadidiskaril ng mga problema, balakid at pana-panahong kabiguan at mapamaraan sa paglutas ng mga ito at pagkakamit ng higit pang mga tagumpay.
Mahusay si Ka Togs sa pamamahala at pakikitungo sa mga kasama sa iba’t ibang antas ng organisasyon. Epektibo niyang napakikilos ang mga kasamang pinamumunuan nila. Malalim siyang mag-isip, masipag at maagap magtanong, makipagpalitang- kuro at makipagtulungan sa mga kasama sa pagpapatupad at pagpapahusay ng mga tungkulin. Bagamat karaniwang malumanay siyang magsalita, kung minsa’y tumataas ang boses niya kapag may mga problema sa pagpapatupad ng mga gawain, gayundin kapag naggigiit siya ng mahalagang punto sa gitna ng masiglang pagtatalo. Pero, kaagad siya mapagkumbabang bumabawi, mataimtim na nakikinig at mahinahong nagpapaliwanag, at hindi kailanman nagwawasiwas ng awtoridad sa mga nakabababa sa kanya. Mapagkaibigan, mapagpakumbaba, matulungin, makwento at masayang kasama si Ka Togs.
Nadakip ng kaaway si Ka Togs noong 1974 kasama ang kanyang asawa, ang kanilang anak at ilan pang kasama. Dumanas siya ng labis na pagpapahirap sa kamay ng mga berdugo ng pasistang diktadurang Marcos. Kinuryente ang iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at pinaso ang kanyang ari. Tinurukan siya ng “truth serum” sa desperasyong pwersahin siyang ibunyag ang nalalaman niyang impormasyon. Sunud-sunod na gabi siyang pinagkaitan ng tulog habang
magdamag na ipinaririnig sa kanya ang teyp na pinalalabas na pag-iyak ng asawa at anak dulot ng tortyur. Sa kabila ng lahat ng mga ito, hindi nagtagumpay ang kaaway na basagin ang bakal na paninindigan ni Ka Togs.
Maging sa detensyon, nanatiling militante at palaban ang diwa ni Ka Togs. Hindi siya tumigil sa paghimok sa mga kasama na manindigan at lumaban.
Kabilang siya sa mga nanguna sa inilunsad na hunger strike ng mga detenidong pulitikal sa Camp Bagong Diwa, Bicutan noong 1976. Ibinunton ng militar ang kanilang labis na galit sa kanya at iba pang pinagsuspetsahang namuno sa protesta. Kinaladkad siya at iba pa mula sa regular na kulungan at dinala sa bartolina para parusahan.
Malalim ang iniwang mga pinsala sa katawan at isip ni Ka Togs ng mga kalupitang ito ng militar at kinailangang dalhin siya sa military hospital dahil sa breakdown.
Matapos ang mahigit isang dekadang detensyon, hindi napawi ang rebolusyonaryong paninindigan ni Ka Togs. Nakalaya siya mula sa detensyon noong 1980. Magiting ang pagsisikap niyang makabangon at makaraos sa mga pinsalang tinamo niya sa kamay ng kaaway. Habang nagpapagaling, bumalik siya sa pamantasan kung saan nagpatuloy siya ng pag-aaral, kumuha ng mga kursong masteral at doctorate sa Philippine Studies at kalauna’y naging propesor sa Departamento ng Filipino at Pantikan ng Pilipinas sa University of the Philippines .
Maraming malalaking ambag si Ka Togs sa kanyang pananaliksik sa kasaysayan ng rebolusyong Pilipino at sa pagpapahalaga at pagpapaunlad ng pambansang wika. Ipinakita niya sa kanyang isinumiteng masteral degree na tesis na “Kilusang Pambansang Demokratiko: Mga Hakbang at Aktibidad sa Pambansang Wika” ang naging mahalagang ambag at impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan sa pagpapaunlad ng pambansang wika. Kabilang sa iba pang isinulat
niya ang “Saklaw at Lapit sa Pagsulat ng Kasaysayan ng Wikang Pambansa: Isang Mungkahi”; “Filipino ng Kilusang Pambansa-Demokratik o (KPD): Pilosopiya at Pulitika sa Pambansang Wika”; “Ang Rebolusyong 1896 at ang Nagpapatuloy na Pakikibaka para sa Pambansang Dignidad at Solidaridad” ; “Filipino Bilang Midyum ng Analisis”; “Kilusang Pambansa-Demokratik o sa
Wika”; “Ang Pambansa-Demokratik o sa Pagpaplanong Pangwika”; “Dalawang Ilang
Tala at Gramatika”; at “Ang Pulitika sa mga Tula ni Huseng Batute.” Marami rin siyang isinulat at nalathalang mga malikhaing akda at mga salin sa Pilipino ng iba’t ibang mahahalagang akda ng iba tungkol sa rebolusyon, kasaysayan, agham at teknolohiya, at iba pa.
Bilang pagkilala sa pagkadalubhasa ni Ka Togs sa pambansang wika, ginawaran siya ng Santiago Fonacier Professorial Chair on Language at National Book Award in Linguistics. Madalas siyang kinokonsulta ng maraming kasama hinggil sa paggamit ng lenggwaheng Pilipino, kapwa sa lihim at ligal na kilusan.
Mabisang ginamit ni Ka Togs ang silid-aralan at mga pag-aaral upang palaganapin ang kaisipang patriyotiko, demokratiko, progresibo at rebolusyonaryo. Nagsilbi rin siyang tagapayo ng di mabilang na mga aktibistang kabataan sa kanilang gawain ng pag-oorganisa at pagpapakilos sa
mga estudyante. Ang kanyang maliit na upisina ay palaging bukas sa mga “konsultasyon” sa mga aktibista. Hindi niya ipinagdamot ang kanyang maliit na kita bilang propesor upang tulungan ang mga aktibistang nangangailangan.
Naging pangulo rin siya ng First Quarter Storm Movement na binubuo ng mga aktibista noong panahon ng rehimeng Marcos at patuloy na naninindigan at nag-aambag sa pambansa-demokratik ong kilusan sa iba’t ibang kapasidad. Madalas siyang naging tagapagsalita at naging tagapagpalaganap ng pambansa- demokratikong pananaw sa iba’t ibang porum tungkol sa mga kasalukuyang usapin at pangyayari sa pulitika at maging sa kasaysayan.
Tumulong din si Ka Togs sa pagtatag at pamamahala sa Partido ng Bayan, kung saan siya ang tumayong Pangalawang Kalihim para sa Organisasyon. Noong 1987, naging target ng mga pamamaslang ng militar ang mga lider at kasapi ng bagong-tatag na partido. Tinambangan ang sasakyang lulan ni Ka Togs at mga kasama niya sa PnB pagkagaling nila sa isang pakikipanayam sa istasyon ng radyo sa Broadcast City sa Tandang Sora, Quezon City . Malubhang nasugatan si Ka Togs, habang ang dalawa pa nilang kasama ay namatay. Bumaon ang isang punglo ng kal. 45 sa kanyang batok at tinamaan din siya sa paa. Lalong nadagdagan ang mga pinsala sa kanyang katawan.
Inatake sa puso si Ka Togs nitong Disyembre 2006. Noon na lamang sa ospital nalaman na mayroon na rin pala siyang kanser sa lalamunan na naging sanhi ng kahirapan niyang huminga.
Kahit hindi na siya muling nagkamalay, walang tigil ang pagbisita sa kanya ng mga kasama, aktibista, kaibigan at marami pang humahanga at nagmamahal sa kanya. Di mabilang ang nag-alaga at nag-aruga sa kanya sa halos isang taong niyang pagkakaratay.
Sa kanyang pagpanaw, lubos na pinahahalagahan ng Partido Komunista ng Pilipinas at buong rebolusyonaryong kilusan ang maraming dakilang ambag ni Kasamang Monico M. Atienza sa pagtatatag at pagpapalakas ng Partido at rebolusyonaryong kilusan at sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino.
Ang mga ambag na ito ay malalim na nakaukit na sa kasaysayan ng Partido at ng rebolusyong Pilipino. Nagbunga at patuloy na magbubunga ang mga ito ng marami pang pagsulong at tagumpay.
KAIBIGAN II
ni Monico AtienzaPagtula’y pagdama, pagwari, pag-isip;Pagbasa’t pagbigkas ng loob at gilid,
tinipong salitang sinulat ding nais…
laging may pagpili’t iwi ang pag-ibig,
at kung may pagyapos, pag-igkas ding pilit.
Pangusap nga ito, walang pagdududa
at tiyakang sabi ng isip at dama…
di nga paghahabi ng mga pantasya;
tumatanaw ito mula sa tuntungan
ng mundo’t lipunan ng tula’t pag-alam,
naghuhumindig ngang pagtuklas ng paham,
na kung umaawit tiyakan ang laman.
Pagtula’y maganda kung laging masinop.
Pinagsulsing dama at isip sa mundo
ng mga payaso’t mga pilosopo,
umiibig manding sumpa ng pagbago.
Pangarap panimdim…nililikha’y tao.
0 Responses to “Parangal kay Kasamang Monico M. Atienza”