04
Jan
08

Pagdiriwang ng KM at ang Pagpapakilala sa Bagong Tagapagsalita

Isang araw nitong Nobyembre, nakatanggap ng isang liham ang mga residente ng isang baryo sa kanayunan. Ang liham ay mula sa Kabataang Makabayan. Nangangalap sila ng suportang materyal para sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-43 anibersaryo ng organisasyon.

Isinaad sa liham ang ilang mga programang kasalukuyang ipinatutupad ng mga kabataan upang maging espesyal ang pagdiriwang na ito. Naglunsad sila ng serye ng mga pag-aaral ng teoryang MLM. Sumailalim sila ng treyning sa Self Defense bilang tugon sa dumadaming CAFGU sa lugar. Nagpamudmod din sila ng polyetong nagsisiwalat sa panloloko ng militar ang mga kabataan sa pagrerekluta nito sa nasabing grupong paramilitar. Naging abala din ang mga kabataan sa pag-eensayo ng mga pangkulturang pagtatanghal para sa gabi ng pagdiriwang. Idinaos nila ito kasama ng mga kasamang hukbo.

Sa ibaba ng mga ipinamahaging liham, nakasulat ang sumusunod:

Sa tagumpay ng rebolusyon,
Andrea Sumulong

Nagtatanong ngayon ang marami sa baryo, totoo bang may Andrea Sumulong?

May mga nagsasabing si Andrea Sumulong ay mula sa uring panggitang magsasaka. Masipag siyang anak simula noong nag-aaral pa. Kapag walang pasok, tumutulong siya sa magulang sa pagsasaka at paglalako. Dahil kilala siyang magaling at seryoso sa pag-aaral, may mga kamag-anak na naninilbihan sa lungsod at sa ibang bansa na nag-ambag para sa pag-aaral ni Andrea.

Simple lang daw ang pangarap ni Andrea noon. Maiahon ang sariling pamilya sa hirap. Kumuha ng kurso nursing. Tulad ng maraming iba pang mga kabataan na nagdarahop, handa na noon si Andrea na manilbihan sa mga dayuhan at malalaking kapitalista kapalit ang napakababang halaga para lang maitawid ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.

Pero naranasan ni Andrea na hindi pala ganun kadali mangarap. Ang isang pangarap na kasingsimple, kasingpayak ng sa kanya – ang mamuhay ng maayos at may dignidad – ay hindi matutupad kung may umiiral na di-makatao at mapaniil na sistema.

Pagkatapos ng hayskul at pagtuntong ng edad 18, nagpasya si Andrea na maging isang pulang mandirigma. Pinili ni Andrea ang mag-rebolusyon para ipaglaban ‘di lang ang kanyang pamilya, kundi ang higit pang nakararami.

Ito ang sabi ng iba tungkol kay Andrea. Pero ang totoo, lahat ng kabataang handang tahakin ang simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka ay maaaring gumamit ng pangalang Andrea Sumulong. Kinakatawan ng bagong tagapagsalita ng KM ang mga kabataan na ang pinili sa buhay ay ang magrebolusyon.


0 Responses to “Pagdiriwang ng KM at ang Pagpapakilala sa Bagong Tagapagsalita”



  1. No Comments Yet

Leave a Reply