Kung nais mong makita
ang tagong kagandahan
ng bayang sinta,
samahan mo ako
at suungin natin
ang masukal na gubat.
Hawiin ang mga damong ligaw
na nakaharang sa daan
at hayaang humapdi
ang sugat na kanilang iniwan.
Kung madulas ka’t maputikan,
abutin mo ang aking bisig
at sabay tayong bumangon sa pagkadapa.
Ang putik ay mahuhugasan din
sa pagtagaktak ng pawis.
Sa ating paglalakad,
mag-ingat sa paghakbang.
Piliing mabuti ang batong gagawing katuwang
dahil hindi lahat ay may taglay na katatagan.
Sila man ay umaasa din
sa lupang sinasandigan,
tulad ng mga punong sa atin ay pumapayong.
Huwag kang mainis sa panggugulat
ng mga dahon at sanga.
Kaibigan silang nagpapaalala
na sa paglalakbay na ito,
dapat ay mulat ang iyong mata.
Nakapapaso man ang init sa ating ulunan,
sasaluhin ng ilog ang pagod mong katawan.
Sundan natin ang landas
na kanyang pinagmulan
at tiyak na matatagpuan
ang di masasaid na bukal
ng buhay sa digma.
Masdan mo sa pagbubukang-liwayway
ang pagyakap ng mapupulang ulap
sa matatayog na kabundukan.
Damhin mo ang paghalik
ng hangin sa iyong pisngi,
dahil, sa wakas,
gising na ang araw sa silangan
at kasabay ng kanyang pagsikat
ang matamis na pagngiti
ng masang pinili mong pagsilbihan.
Ito ang walang kapantay na ganda
ng bayang minumutya.
gandang nasisilayan lamang
sa mga tagumpay ng pakikibaka.
0 Responses to “Maganda Pa Ang Bayan”