MATAPOS ANG PAMBOBOMBA SA PAMPUBLIKONG LUGAR NA GLORIETTA MALL,sinabi ng Malakanyang sa pangunguna ni National Security Adviser Norberto Gonzales na posibleng nagaganap ang pagatake ng mga terorista sa bansa. Nang lumaon, mapupwersa itong bawiin ang nasabing pahayag. Pero dahil sa tindi ng krisis na kinakaharap ng rehimeng Arroyo, malinaw na pinapakinabangan nito ang mga isyung makapaglilihis ng atensyon ng mamamayan.
Mga Eskandalong Sangkot ang Malakanyang
Nangangandarapa ang rehimeng Arroyo sa pagtatakip ng mga kasalanan nito sa sambayanan. Patuloy itong minumulto ng hindi nasasarhang eskandalong kinasasangkutan ng Unang Pamilya gaya ng Hello Garci, fertilizer scam, jueteng payola, Venable LLP, Macapagal Boulevard , Cyber Education at ZTE.
Ang ZTE ang pinakahuling eskandalo na inilantad ng hindi inaasahang kalaban ng rehimen. Idinadawit ni Joey de Venecia (anak ni House Speaker Jose de Venecia) si Mike Arroyo (ang asawa ng pangulo) na sangkot sa transaksiyon at kumita sa suhulan sa ZTE. Sa bigat ng kaso, napuwersa si Romulo Neri -na kakampi ng Malakanyang sa pagpapatupad ng mga maka-imperyalistang programa na ilantad ang panunuhol ng dating Commissioner of Elections na si Benjamin Abalos. Maituturing na “damage control” ng rehimen ang naganap na pagbitiw ni Abalos.
Paulit-ulit na sinasabi ni House Speaker de Venecia na nananatiling maayos ang relasyon nila ni Arroyo. Pero ang totoo, nabawasan na naman ang huli ng masugid na kakampi sa mga naghaharing-uri. Dahil kinampihan ng matandang de Venecia ang anak, sinikap itong patalsikin bilang Speaker ng mga alyado ni Arroyo sa Kongreso. Pilit na ibinaling kay de Venecia ang akusasyon ng paggamit ng kapangyarihan para sa sariling interes.
Nabigo ang kampo ni Arroyo at natulak si de Venecia na magbanta sa Malakanyang na kapag siya ay bumagsak, kasama niyang babagsak si Arroyo. Tinutukoy ni de Venecia sa bantang ito ang kakayahan niya, at ng kanyang paksiyon sa Kongreso sa pakikipagtulungan sa Oposisyon, na palusutin sa Kongreso ang reklamong impeachment laban kay Arroyo – papunta sa Senadong dinodomina ng Oposisyon.
Tinangkang kapunin ang kapangyarihan ni de Venecia na magproseso ng kasong impeachment laban kay Arroyo sa pamamagitan ng pagtulak ng mga tauhan ni Arroyo – sa pangunguna ni Ronaldo Puno, ayon mismo kay de Venecia – ang pagsasampa ng mahinang kasong impeachment laban kay Arroyo. Dito,muli na namang nalantad ang Malakanyang nang ibalita ang tangkang panunuhol ng KAMPI – na partido ni Arroyo – sa progresibong kongresistang si Crispin “Ka Bel” Beltran, at sa iba pang kongresista, para suportahan ang mahinang kasong impeachment.
Sa pagsisikap na konsolidahin ang hanay, garapalang namigay ang Malakanyang ng perang nagkakalahaga ng P300,000 hanggang P500,000 sa lokal na mga pulitiko. Matapang na inilantad ito ng ilang lokal na pulitiko. Tampok dito ang paring gubernador na si Gob. Ed Panlilio na namumuno sa mismong probinsiya ni Arroyo. Itinulak ng barubal na aksiyong panunuhol ang kritikal na pagsasalita ng Simbahang Katoliko, sa pamamagitan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines , na nananawagan ng katotohanan sa usapin.
Mabilis na pinagtibay ng mga obispong kontra-Arroyo ang panawagang magbitiw na si Arroyo. Nanawagan sina Obispo Julio Labayen, Deogracias Yniguez at Antonio Tobias – mga tagapayo ng Kilusang Makabansang Ekonomiya – na magbitiw na sa puwesto si Arroyo. Maging ang bise-presidenteng si Noli de Castro ay hindi malinaw na makapagpahayag ng suporta sa pangulo sa usaping ito.
Ang panibagong iskandalo ng panunuhol ang nagpapalala sa away ng kampo ni Arroyo at de Venecia, ng LAKAS at ng KAMPI at maging ng mga militar na may kanya-kanyang sinusuportang naghaharing-uri.
Tumitinding Krisis Pang-ekonomiya
Habang garapalan ang pangungurakot at panunuhol ng rehimeng Arroyo, patuloy na dumadanas ng paghihirap ang mamamayan. Ang matinding kahirapan na ito ay bunga ng mga programang maka-imperyalista ni Arroyo.
Tampok dito ang pagsirit ng presyo ng langis. Lalo itong nagpapahirap sa mamamayan dahil kakabit nito ang pagtaas ng presyo ng iba pang batayang produkto gaya ng pagkain. Taliwas sa sinasabi ng gobyerno na wala itong magagawa, ang pagtaas ng presyo ng langis ay layunin ng kanyang patakarang
deregulasyon.
Bukod sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, hindi tumitigil ang demolisyon sa mga komunidad ng mga maralitang taga-lungsod. Nakapaloob ito sa pitong mayor na proyekto ng gobyerno: C5, Central Business District o CBD , Port Modernization, Philippine National Railroad o PNR , Pasid Rehab, Road Clearing at Estero Clearing. Koordinado ang mga demolisyong nagaganap dahil bahagi ito ng pagtatayo ng mga imprastrakturang pakikinabangan ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.
Agresibong ipinapatupad ng rehimen ang demolisyon, samantalang ang pagdami ng maralitang taga-lunsod ay bunga rin ng kanyang mga programa’t patakaran. Marami ang pumupunta sa lungsod dahil sa kawalan ng hanapbuhay sa kanayunan. Patuloy pang lumalala ang sitwasyong ito sa dami ng magsasakang nawawalan ng lupa.Ang kawalan ng kabuhayan ng mga magsasaka at pagdagsa nila sa lungsod ay tinutulak din ng tumitinding terorismo ng estado.
Ang Taktikang Panlilihis ng Rehimeng US-Arroyo
Sa harap ng matinding pampulitika at pang-ekonomiyang krisis naganap ang pagsabog ng Glorietta 2. Ang pagsabog ay pumatay sa labing-isang katao. Mahigit 120 naman ang nasakuna. Nililihis ng pambobomba ang atensiyon ng publiko mula sa maiinit na isyu–bagay na napapakinabangan ng rehimen. Noong una, sinabi ng gobyerno na grupong terorista ang may kagagawan ng pagsabog. Ngunit, lumilitaw na mapanganib ang sabihing atakeng terorista ang naganap – na nag-uugat diumano sa pagkakapatay sa maraming Muslim sa mga tunggalian sa Mindanao at pagkakadakip ng isang lider ng grupong terorista. Mapanganib ito dahil maghahasik ito ng labis-labis na takot sa mamamayan na gagambala maging sa mga mamumuhunan at dayuhang gobyerno.
Nang lumaon ay ibinintang ito sa mga maka-Kaliwang pwersa. Nang kontakin ng midya ang numero ng nasabing tagapagsalita, humantong ang tawag nila sa cellular phone ng isang opisyal ng progresibong party-list na Bayan Muna at ng anak ng isang senador na oposisyunista. Patunay ito na cloned ang numero ng telepono ng tagapagsalita. Ngayon ay idineklarang aksidente ang nangyari. Kaduda-duda ang resulta ng imbestigasyon sa naganap na pambobomba. Una, dahil nauna nang inamin na may natagpuang aktibong kemikal ng bomba sa lugar ng pagsabog. Ikalawa, dahil may nahuling dalawang lalaking nagtatangkang magpuslit at magtanim ng ebidensiya sa lugar na pinangyarihan ng pagsabog. Ikatlo, dahil ayon mismo sa mga eksperto sa mga kemikal o kemistri, malayo sa katotohanan ang paliwanag ng gobyerno sa pagsabog. Magdudulot din ito ng problema sa rehimen dahil makakabangga nito ang mayamang pamilyang Ayala na siyang may-ari ng nasabing mall. Tiyak na papalag ito sa akusasyong kapabayaan nila ang nagdulot ng pagkamatay ng marami.
Sa kabilang banda, matapang na ipinahayag ni Sen. Antonio Trillanes IV ang pagtingin niyang ang rehimeng Arroyo mismo ang nagplano at nagpatupad ng pagpapasabog. Sa harap ng karanasan ng bayan noong panahon ni Marcos, at maging ni Estrada, tanging nangungunang mga tauhan lang ng Malakanyang ang direktang nagtanggol kay Arroyo sa akusasyon ni Trillanes. Hindi umani ng pagtuligsa ng mga mamamayan ang sa isang banda’y adelentadong pahayag ni Trillanes. Sintomas ito ng namamayaning palagay at pagkilala ng mga mamamayan sa rehimen.
Nitong huli, namumuo ang kaisahan sa Mababang Kapulungan na magbuo ng mas matatag na reklamong impeachment laban kay Arroyo. Nagpahayag na rin si de Venecia ng direktang panawagang linisin ni Arroyo ang dumi ng katiwalian sa gobyerno. Nagbigay pa si de Venecia ng taning na 100 araw para gawin ito ng pangulo. Nagkakasa na ng mga pagkilos ang dati nang malapad na alyansa ng mga mamamayan laban kay Arroyo. Nagpapakita rin ng pagkabuway ang militar. Balisa ang mga sundalong kinasuhan kaugnay ng protestang kontra-Arroyo noong Pebrero 24, 2006. Paulit-ulit ang pamunuan ng AFP sa panawagan sa mga tauhan nitong maging niyutral at kalmado sa harap ng mga nagaganap at ng pambubuyo ng ilang kampo.
Panibagong Maniobra ng Rehimen para Pahupain ang mga Kalaban
Maraming maniobra ang ginagawa ng rehimen para pahupain ang mga kalaban. Tampok dito ang pagpapalaya kay dating Pang. Joseph Estrada. Bagamat pinalaya ang dating pangulo, minamadali naman ang pagsamsam ng mga kayamanan nito -na kalakhan ay nakuha sa mamamayan- upang humina ang kapasidad nito bilang isang lider ng oposisyon. Binubuhay din ang usapin ng Cha-Cha na pabor sa mga kongresista para mahatak pabalik si de Venecia. Inanunsiyo sa midya ang pagkakasundo ni Arroyo at de Venecia ngunit mabuway ito hangga’t walang malinaw na suportang makukuha ang isa’t isa upang makapanatili sa
kapangyarihan. Maging ang pagbuhay at pagproseso ng mga kaso laban kay Lintang Bedol ng Comelec ay maaaring tingnang pagsisikap ng rehimen na lituhin at pahinain ang bigwas ng kilusang kontra-Arroyo.
Maaaring humupa ang away ni Arroyo sa iba pang naghaharing-uri. Pero hindi na mababawi ang galit ng mamamayan sa rehimen dahil sa kahirapang dinaranas nito na dulot ng mga antimamamayang programa at nang walang pakundangang pangungurakot ni Arroyo sa kabang-bayan.
Ang Paglaban ng Mamamayan at Kabataan ang Solusyon sa Krisis
Alam ng marami ang mga nagaganap subalit kailangang maituon ang galit ng mamamayan sa malakihang pagkilos. Hinog ang sitwasyon para lumaban at magtamo ng kongkretong tagumpay ang mamamayan. Walang ibang solusyon sa krisis kundi ang lumaban para sa mga demokratikong karapatan. Sa pagtindi ng bangayan ng mga naghaharing-uri – na nagpapakita rin ng mabuway na paninindigan ng mga ito dahil maaari itong pahupain ng gobyerno sa isang panahon,ang pinakamatatag na masasandigan ng mamamayan ay ang sama-samang pagkilos. Ito ay pagkilos ng mga inaaping sektor na pangunahing binubuo ng mga magsasaka at manggagawa.
Kailangang ipakita ng rebolusyonaryong pwersa ang pangunguna nito sa mga isyu at pagpapakilos ng mamamayan. Kinakailangang magpursige ang rebolusyonaryong kilusan ng kabataan na sumanib sa lakas ng mga batayang sektor, at magpukaw, mag-organisa at magpakilos ng pinakamaraming bilang ng mamamayan para tuluyang pabagsakin ang rehimeng Arroyo. Susi sa pagpapakilos ng masa ang mabilis na paglikha at pagpapakalat ng propaganda at ang paglulunsad ng mga pag-aaral sa mga isyu.
Kapag masigla ang kilusang masa, magiging madulas din ang gawaing alyansa. Kailangang magtayo ng o muling balikan ang mga alyansa ng kabataan laban sa korupsyon at terorismo ng estado. Sa pamamagitan
nito, yakagin na pumaloob ang mga konseho, ligal na organisasyon, sangguniang kabataan, fraternity at sorority, kultural na organisasyon at iba pang mga pormasyon ng kabataan.Patindi nang patindi ang krisis ng rehimeng Arroyo. Habang nailalantad ang kabulukan ng sistemang malakolonyal at malapyudal, umiinit ang pagtanggap ng mamamayan sa pagrerebolusyon – ang pinakamalaking pagkilos, pangunahin ng uring magsasaka at manggagawa, para wakasan ang kanilang kahirapan.
0 Responses to “Krisis ng Rehimeng Arroyo, Sasabog”