(Ilang Tala sa Karanasan ng Isang Baryo sa Pag-iral ng OBL II)
I.
Dito sa lugar kung saan malawak ang kapatagan at mababa ang kabundukan, bagsak ang agrikultural na produksyon nitong mga nakaraang buwan dahil sa pagkatuyo ng pananim sa tag-init at pagkasira nito sa pagdaan ng sunud-sunod na bagyo. Sa halip na bigyan ng gobyerno ng subsidyo sa produksyon ang mga magsasaka, nananawagan ito –lalo na sa mga kabataan -na sumali sa CAFGU.
Maraming pangako sa pagsali sa CAFGU. Ang sabi ng mga militar sa mga taga-lokal, magbibigay sila ng P1,800 at isang kaban ng bigas kada buwan sa bawat rekrut.
Hindi na bago sa mga taga-lokal ang operasyon ng militar. Pero simula nang ilunsad ang Oplan Bantay Laya II, mas nagbababad ang militar sa mga komunidad. Nagsasagawa na din sila ng mass recruitment para sa CAFGU.
Dahil paspasan ang pagrerekluta ng militar, malaking hamon sa BHB ang kagyat na magpaliwanag sa masa at hamigin sila na huwag magpasilaw sa pangako ng pagsali sa CAFGU. Matiyagang nagpunta sa mga bahay sa komunidad ang mga hukbo para magpaliwanag sa panibagong kampanya ng militar. Naglunsad din ang mga kasama ng mga pulong masa. Ang panawagan sa mga taga-lokal: Huwag talikuran ang uring pinagmulan. Ipagpatuloy ang laban para sa karapatan ng mga magsasaka.
II.
Habang tumitindi ang krisis sa kabuhayan, umiigting din ang pandarahas ng mga militar. Sa ibang erya, harassment ang paraan ng pagrerekluta ng mga kabataan sa CAFGU. Pati ang mga katutubo at kababaihan ay pinipilit ding sumali.
Pinupuruhan din ng militar ang mga kilalang aktibista sa komunidad. Maraming hinuhuli, pati ang mga sibilyan na pinahihinalaang taga-suporta ng hukbo. Kung dati, ipinamamalita ng militar sa radyo ang mga nahuhuli, ngayon, nagtatago ito ng mga impormasyon. Dalawa ang ibig sabihin ng katahimikan: pwedeng hawak pa nila ang mga hinuling lider-aktibista o hukbo o ‘di kaya’y pinatay na ang mga ito.
III.
Ang pagiging tahimik ay bagong paraan ng militar sa panunupil ng mga anakpawis na gipit na gipit na sa gitna ng krisis. Habang nagpapalaganap ng karahasan, kailangang may bihis pa rin ito ng demokrasya para pigilan ang pakikisangkot ng marami pang mamamayan. Layon ng pagiging tahimik ng militar ang lumikha ng kalituhan kung paano haharapin ang mga kaso ng pandarahas gayong hindi tiyak kung ano ang sinapit ng mga nahuli. Layon din nitong lumikha ng takot sa masa at mga kasama. Takot sa pagkilos dahil maging ang mga ligal na aksyon ay mabilis na tinatapatan ng panunupil. At, takot sa pagkilos dahil pinatunayan ng rehimeng ito na sa panahon ngayon – panahon ng kahirapan at pagsasamantala sa kabuhayan at panahon ng paninindak, pambobomba, pagdukot, pagtortyur at pagpatay – na hindi mahalaga ang buhay ng mga tao.
IV.
Mangingibabaw ang takot kapag hindi nagkakaisa -kung mag-iisip lang para sa iisa: Paano ilalayo ang sarili o pamilya sa gulo? Paano kung may nangyari sa sarili at maiwan ang mga mahal sa buhay? Paano kung nahiwalay sa mga kasama kung sakaling mahuli?
V.
Subalit, pansamantala ang pag-iral ng takot. Habang naiipit, kumikitid ang mga pagpipilian: Hihintayin bang mamatay sa gutom ang mga mahal sa buhay o lalaban para sa karapatang mabuhay? Mamamatay ba ng walang kalaban-laban o tatapatan ang lakas ng kaaway sa paghawak ng armas? Lalong natutulak ang mga mamamayan na lumaban para wakasan ang karahasan at lumaban para maningil ng kaparusahan.
VI.
Nobyembre ang buwan ng pagtatanim ng mais sa lugar na ito. Pagkakataon ito para sa mga kabataang magsasaka para makapagtrabaho sa bukid. Pero dahil panahon ng matinding kampanyang militar, pansamantalang isasantabi ng mga kabataang magsasaka ang gawaing produksyon para harapin ang nagbabadyang panganib sa mga aktibista sa komunidad sa kanayunan.
Kinausap ng mga kasamang hukbo ang mga nagpapatanim ng mais na ipagpaliban ang mga kabataan sa trabaho. Tatlong araw ang hiniling nila.
Kukuha ng maikling kurso sa Self Defense ang mga kasapi ng Kabataang Makabayan sa baryo. Malaking bahagi nito ang pag-aaral ng Martial Arts. Matututo silang dumepensa ng sarili sa ilang sitwasyon. Nakakapagpatapang sa mga kabataan ang pag-aaral ng ganitong kurso. Tinuturuan naman ng hukbo ang mga bahagi ng milisyang bayan ng paggamit ng armas.
VII.
Handa ring tumulong ang masa sa pagpaparusa sa mga sagad-sagaring tuta sa rehimen at pasistang opisyal ng pamahalaan o lider ng militar. Nitong huling buwan, naglunsad ng matagumpay na taktikal na opensiba ang BHB. Mismong mga masa ang nag-aral ng padron ng iskedyul at pinupuntahan ng pinarusahang mataas na opisyal. Pagkatapos ng pagpaparusa, marami pang kabataan ang sumapi sa hukbong bayan.
Dito sa lugar kung saan palagian at mabilis ang kilos ng kaaway – dahil malapit sa lungsod, at malawak ang kapatagan at mababa ang kabundukan – maraming kabataan ang nagpapasyang lumahok sa armadong pakikibaka. Mismong mga magulang na nila ang humihimok sa kanila na sumampa sa hukbo. Dito, at sa mga lugar na tulad nitong pinipiit at ginigipit, walang ibang opsyon kundi magpumiglas at lumaya.
0 Responses to “Buwan at Dilim”