Nobyembre 30,2007
Una sa lahat, hapi bertdey! Mas marami ang nakakaalala sa iyong kaarawan kaysa sa iyong kamatayan. Marahil tama lang dahil ang ipinamana mo naman ay isang pagsilang – sa isang bagong Pilipinas na malaya sa mga Kastila.
Bilang paggunita sa iyong kaarawan, libu-libo ang magmamartsa sa kalsada. Mananawagan sila sa pagbagsak sa brutal na rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo. May pagkakatulad siya sa kontemporaryo mong si Rizal – sa height. Dun lang. Buti na lang, hindi mo na siya naabutan. Labis ang kanyang pagpapakatuta sa imperyalismong US , ang sumasakop at siyang may pangunahing kontrol sa bansa natin ngayon.
Dapat sa kaarawan mo magaganap ang isang coup de etat at pagbubuo ng bagong gubyerno. Ayon sa plano nila. Dahil naganap ang isang pag-aalsa na pinamunuan ni Sen. Trillanes. May pagkakatulad din siya sa kontemporaryo mong si Rizal – sa hati naman ng buhok. Pero hindi sila nagtagumpay. Marahil dahil hindi sila natuto sa kasaysayan. Pwede ring dahil ayaw lang nilang tanggapin ang katotohanan sa kasaysayan. Dahil sa kasaysayan, hindi sila o ang tulad nila ang bida.
Sa tinangka nilang pag-aalsa at hinangad na pagbabago ng gobyerno, nakalimutan nila ang mapagpasya – ang kolektibong pagkilos ng masa. Noong 1896, ipinakita ninyo na sa sama-samang pagkilos ng nakararaming masang magsasaka at manggagawa makakamit ang pagbabago. Noong nakaraang People Power 1 at 2, ang pagkilos ng malawak na masa rin ang nagpatagumpay sa mga ito.
Sa kanilang interpretasyon sa kasaysayan, ang mga peti-burges o panggitnang-uri ang susi sa tagumpay ng mga rebolusyon at pag-aalsa ng mga Pilipino. Si Emilio Aguinaldo nga ay itinuring na bayani at siyang nagtayo raw ng bagong republika. Kahit na ibinenta naman niya ang ating kalayaan. Kung naabutan mo ‘yun ay siguradong hindi ka papayag at muling magpupunit ng sedula. Sa People Power 1 naman, ang militar daw ang naging mapagpasya. Maging sa People Power 2, militar pa rin kasama ang tinatawag nila ngayon na civil society o mga panggitnang-uri rin.
Pero ang militar at ang panggitnang-uri ay mabuway at laging nahuhuli. Hindi kailanman kikilos ito kung wala ang pagkilos ng malawak na sambayanan. Kumukuha sila ng lakas ng loob at suporta sa pag-alsa ng mga manggagawa at magsasaka. Dahil ang mga manggagawa at magsasaka naman ang pinaka-api sa lipunan natin. Kaya’t sila rin ang nangunguna at pinakadeterminado sa pagsusulong ng pagbabago.
Kahapon din, bilang tugon, sumugod ang mga militar ni Arroyo gamit ang mga tangke at malalakas na mga riple at armas. Matapos nito, agad ding sumuko sila Trillanes. Paano’t wala nga silang suporta ng karamihan. Sa totoo lang, hindi naman nakakatakot ang mga tangke at iba pang mga high-tech na kagamitan at armas ng militar. Dahil sa isang digmaan, ang tao, muli, ang mapagpasya. Hindi ba’t ito rin ay inyo nang napatunayan? Nagtagumpay kayo, ang mga gerilyang Pilipino, hawak ang mga sundang, laban sa mga riple at kanyon ng mga Kastila.
Hindi na rin bago sa ating kasaysayan ang armadong paglaban. Pinatunayan ninyo rin noon pa man na upang makamit ang tunay na pagbabago kinakailangang humawak ng armas at gumamit ng dahas – rebolusyonaryong dahas. Dahil ito ay dahas na nagsisilbi para sa pagbabago at hindi upang manatili ang luma at mapaniil na sistema. Ang rebolusyonaryong dahas ay ang kinakailangang dahas na ipinangtatapat sa malupit at mapang-abuso na reaksyunaryong karahasan.
Kaya nga napakayaman ng inyong ipinamana sa aming mga aral: Sa tagumpay ng rebolusyon, pangunahin ang armado at kolektibong pagkilos ng masang api at pinagsasamantalahan.
Hindi pa rin ito gagap nila Trillanes. Pero isinusulong na ito ng mga pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Kasama ang iba’t ibang aping uri at gamit ang iba’t ibang anyo ng pakikibaka, ipinagpapatuloy namin ang sinimulan niyong rebolusyon.
Ang galing niyo talaga. Kaya nga para sa akin, ikaw ang pambansang bayani.
Sa tagumpay ng rebolusyon,
Ka Juris
0 Responses to “Bukas na Liham ng Isang Kabataan Mula sa Kanayunan para kay Andres Bonifacio”