May taning ang pagsalba sa kalikasan.
Dahil sa proseso ng pagkasira, maraming tao ang nalalagay sa peligro. Ang pangangalaga sa kalikasan ay pangangalaga sa mamamayan. Ang pagkasira ng lupa ay may dalang panganib sa milyun-milyong magsasaka. Dahil pangunahing nakasalalay ang bansa sa agrikultural na produksyon, malaking usapin ang pangangalaga ng kalikasang kaugnay ng mga agrikultural na lupain.
Ilan sa mga halimbawa ng pagkasira ng kalikasang nakakapinsala sa magsasaka ang mga sumusunod:
1. Ang pagliit at pagkasira ng lupaing agrikultural
Marami ang magsasakang nawalan ng lupa dahil sa pagpalit-gamit ng mga lupain patungong industriyal, komersyal at residensyal. Dahil sa pagpapalit-gamit, hindi na maibabalik ang katangian ng lupang paborable sa agrikultural na produksyon na higit na mapakikinabangan ng mamamayan kaysa sa naipalit na gamit dito. Malaking usapin sa magsasaka ang pagkasira ng lupa. Ang pag-alis ng pinakaibabaw na lupa ay nangangahulugan ng pagbaba ng produktibidad ng lupa. Panganib din ang dulot nito sa mamamayang naninirahan sa mga lugar na bulubundukin, sa palagiang inuulan at lalo na sa madalas daanan ng bagyo.
2. Polusyong gawa ng mga pang-agrikulturang kemikal
Simula nang ipagpilitan ng mga dayuhang agro-kemikal na korporasyon ang mga binhi, fertilizer at pesticide nila, kalakhan ng lupaing agrikultural ng bansa ang nakatali na sa mga produktong ito. Pinatay nito ang mga dating klase o “variety” ng mga pananim dahil ang mga lupang gumamit ng nasabing produkto ay hindi na pwedeng tamnan ng mga dating klase ng panananim. Dagdag dito, sa pagkawala ng bisa ng mga kemikal sa mga peste at sakit (na kadalasang nangyayari sa mga produktong ito), napipilitan ang mga magsasaka na bumili ng mas matapang na kemikal na hindi lamang mapanira sa lupa kundi delikado sa kalusagan.
Ang mga imperyalistang korporasyon ang nagdudulot ng pinakamalaking pinsala sa kapaligiran. Kasabay ng pagpapahintulot ng gobyernong Arroyo sa mga imperyalistang bansa sa panlilimas ng likas na yaman at pagtatapon ng mga imported na produktong surplas, ang pagsira ng kalikasang nagdadala ng matinding panganib sa mamamayan. Kung kaya, ang pangangalaga ng kalikasan ay nangangahulugan ng paglaban sa mga programa’t patakaran ng tutang gobyerno at pagtitiyak sa proteksyon ng mga mamamayan.
0 Responses to “Red Alert para sa Kalikasan”